Rider, Patay Matapos Sumalpok sa Bus!

Cauayan City, Isabela- Agad na binawian ng buhay ang isang lalaki matapos sumalpok ang minamanehong motorsiklo sa kasalubong na pampasaherong bus sa Pambansang lansangan sa Calitlitan, Aritao, Nueva Vizcaya.

Nakilala ang biktima at drayber ng pulang Rusi na may temporary plate no. 020105 na si Orlan Engusan, 21-anyos, residente ng Sitio Pipingaw Sinapawan, Sta Fe, Nueva Vizcaya.

Habang ang pampasaherong Dalin Bus na may plakang BVR 315 ay minamaneho naman ni Edison Luna.


Patungong Baguio City sana ang pampasaherong bus dakong 11:40 kagabi nang makasalubong ang motorsiklo na minamaneho ni Engusan.

Sinubukan umanong iwasan ni Luna ang kasalubong na pagewang-gewang na motorsiklo subalit sumalpok pa rin sa kanyang harapan na sanhi ng pagkamatay ni Engusan.

Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na lango sa nakalalasing na inumin ang biktima kung kaya’t hindi nito nakontrol ang pagmamaneho.

Pansamantalang nasa kustodiya ng pulisya si Luna habang inihahanda ang kasong may kinalaman sa Reckless imprudence Resulting in Homicide and Damage to Property na isasampa laban sa kanya.

Facebook Comments