
Sugatan ang isang 30-anyos na lalaki matapos bumangga ang minamaneho niyang motorsiklo sa isang nakaparadang sasakyan sa Barangay Poblacion East, Natividad, Pangasinan bandang 1:30 ng madaling araw noong Marso 16, 2026.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, ang biktima na isang miyembro ng banda at residente ng San Nicolas, Pangasinan ay minamaneho ang kanyang motor at binabagtas ang nasabing kalsada patungong silangan.
Gayunman, habang mabilis umano ang takbo ng motorsiklo, aksidenteng nabangga nito ang likurang bahagi ng isang sedan na nakaparada sa gilid ng kalsada at walang bantay.
Dahil sa lakas ng pagkakabangga, nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang rider at agad itong isinugod sa Eastern Pangasinan District Hospital sa Tayug, Pangasinan upang mabigyan ng kaukulang lunas.
Kapwa naman nagkaroon ng pinsala ang dalawang sasakyan, ngunit hindi pa natutukoy ang kabuuang halaga ng pagkasira habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa insidente. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










