Riders ng delivery services company, ipinasasailalim sa regular na COVID-19 test

Umapela si Ang Probinsyano Partylist Rep. Ronnie Ong sa delivery services na kumpanya na isailalim sa regular na COVID-19 test ang kanilang mga tauhan.

Ayon kay Ong, dapat na obligahin na isailalim sa COVID-19 tests sa kada dalawang linggo ang riders ng mga logistics at courier service companies gayundin ang iba pang kumpanya na may delivery services.

Paliwanag ng kongresista, ito ay para matiyak na virus-free ang riders at ligtas naman ang mga customer na makakasalamuha ang mga ito.


Iginiit ni Ong na ang mga kumpanya tulad ng Angkas, Grab Express, Lalamove, Joyride at Mr. Speedy ay dapat na sagutin ang gastos sa rapid test ng kanilang riders gayundin ang gastos para sa confirmatory Polymerase Chain Reaction (PCR) test kung kakailanganin.

Pinatitiyak din ni Ong sa mga kumpanya na bibigyan nila ng tulong ang mga empleyado na kinakailangang sumailalim sa quarantine sa oras na makumpirmang nahawa ng sakit o nagkaimpeksyon.

Dagdag pa ng mambabatas, huwag lamang kita ang isipin ng mga kumpanya kundi siguraduhin din ang kalusugan at kaligtasan ng kanilang riders na araw-araw na humaharap sa panganib ng COVID-19.

Facebook Comments