
Nahulog sa mga kamay ng awtoridad ang dalawang suspek na sangkot sa pamamaril sa 41-anyos na lalaki sa Gonzalo St., Barangay 739, Malate, Maynila.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas ‘Jose’, 42-anyos na siyang driver ng motorsiklo at alyas ‘Mario’, 37-anyos na siya namang gunman.
Base sa imbestigasyon ng Malate Police Station, hapon ng Sabado, Agosto 16 habang naghahanda ang biktima para sa kaarawan ng kaniyang anak ay biglang dumating at pumasok sa eskinita ang isa sa mga suspek at pinagbabaril ito.
Maswerte namang nakaligtas ang biktima na nagtamo ng tama ng bala sa kanang dibdib at pisngi.
Samantala, nasapul sa CCTV ang aktwal na pagtakas ng mga suspek kung saan nanutok pa ang gunman ng baril bago ito humarurot papalayo.
Agad na nagkasa ng backtracking at follow-up operations ang mga awtoridad kung saan unang nahuli si alyas ‘Jose’ sa Pandacan.
Sunod namang nadakip si alyas ‘Mario’ sa Antipolo, Rizal matapos na ikanta ng kasabwat nito.
Samantala, napag-alaman ng pulisya na itinapon sa ilog sa bahagi ng Lubiran Bridge sa Sta. Mesa, Maynila ang getaway vehicle ng mga suspek.
Kaya humingi ang pulisya ng tulong sa PNP Maritime Group upang marekober ang inihagis na motorsiklo ng mga suspek na agad ding nahanap at naiangat makalipas ang limang oras.
Bukod dito, narekober naman sa bahay ng driver ang 9mm pistol na ginamit ng gunman sa krimen.
Hindi na nagbigay pa ng pahayag ang mga suspek sa nangyaring pamamaril.
Ngunit pag-amin ni alyas ‘Jose’ sa pulisya na binigyan siya ng ₱30,000 ni alyas ‘Mario’ sa pagsama nito sa krimen ngunit tikom naman ang bibig ng gunman tungkol dito.
Patuloy namang inaalam ng pulisya ang motibo ng mga ito sa krimen.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong Frustrated Murder at paglabag sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition.









