
Aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang Senate Bill 890 o ang Government Optimization Bill na magbibigay kapangyarihan sa pangulo na isaayos ang mga ahensya ng gobyerno.
Sa botong 22 pabor at wala namang tumutol ay nakalusot na sa plenaryo ang panukalang mas kilala rin na rightsizing bill.
Sa ilalim ng panukala, may kapangyarihan ang pangulo na ayusin ang istruktura ng mga ahensya sa pamamagitan ng pagpapasara, pagbabawas o pagpapatigil sa operasyon ng tanggapan, o kaya ng programa, proyekto at aktibidad.
Maaaring iutos ng pangulo ang pagaalis sa mga redundant o magkakaparehong trabaho ng departamento o opisina para gawing mas simple ang proseso at mga regulasyon.
Exempted o hindi naman saklaw ng rightsizing ang lehislatura, hudikatura, constitutional commissions, Office of the Ombudsman, LGUs, teaching positions, military at uniformed services.









