Nilinaw ni House Ways and Means Committee Chairman at Albay 2nd District Representative Joey Salceda na mananatili ang Research Institute of Tropical Medicine (RITM) kahit maisabatas ang isinusulong niyang panukala para sa pagtatag ng Center for Disease Control (CDC).
Ginawa ni Salceda ang pahayag bilang pagpawi sa pangamba ng mga empleyado ng RITM na mawawalan sila ng trabaho kapag naitatag na ang CDC.
Sa kasalukuyan ay lusot na ang panukala ni Salceda na paglikha ng CDC sa mga komite ng Health, Ways and Means at Appropriations at maaari nang talakayin sa plenaryo.
Diin ni Salceda, mananatili ang RITM bilang research center na mayroong ospital, testing center at central reference laboratory sa ilalim ng CDC.
Tiniyak pa ni Salceda na hindi aalisan ng pondo ang RITM dahil sa itatayong bagong ahensya.