RITM, hindi na bubuwagin sa ilalim ng isinusulong na Center for Disease Prevention and Control Act

Hindi na lulusawin ang Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa ilalim ng panukalang paglikha ng Philippine Center for Disease Prevention and Control Act (CDPC).

Sa sponsorship speech ni Senator Pia Cayetano para sa committee report no.28 ng Senate Bill 1869, mananatiling “whole body” ang RITM sa ilalim ng CDPC.

Paliwanag ni Cayetano, dahil sa napakaraming accomplishments ng RITM ay inilaban nila sa Senado na manatili itong buo at hindi na hahati-hatiin ang functions tulad ng naunang ipinapanukala.


Nakapaloob din sa committee report ang pagpapalit ng pangalan ng RITM sa Philippine Research Institute of Medicine (PIRM).

Mananatili ang kasalukuyang tungkulin ng RITM sa clinical research division, laboratory research division at biological research division at palalawakin pa ang functions sa pagaaral ng mga infectious at non-infectious diseases.

Samantala, ang CDPC naman na mapapasailalim ng Department of Health (DOH) ang siyang aaktong technical authority na mangunguna sa forecasting, analysis, strategy at standards development para sa prevention at control ng lahat ng mga karamdaman at uusbong pang mga sakit sa bansa.

Ayon kay Cayetano, dahil sa naranasang pandemya ay nakita ng Kongreso ang kahalagahan ng pagkakaroon ng CDC lalo pa’t sa ilalim ng COVID-19 pandemic ay nalantad ang malaking agwat at kakulangan sa health care system ng bansa.

Facebook Comments