Kinumpirma ni Research Institute for Tropical Medicine (RITM) Dir. Celia Carlos na lumawak na ang kanilang kapasidad sa pagsasagawa ng COVID-19 tests.
Ayon kay Dr. Carlos, mula sa 300 tests kada araw, nakakagawa na sila ngayon ng 900 hanggang 1,000 tests kada araw.
Ito ay matapos na madagdagan ng mas maraming laboratories sa loob ng RITM.
Maging ang pagproseso aniya ng resulta ng COVID-19 tests ay bumilis na ay kaya na nilang maglabas ng resulta sa loob ng dalawa hanggang tatlong araw mula sa dating lima hanggang pitong araw na test result.
Kinumpirma rin ni Dr. Carlos na nakapag-isyu na rin sila ng limang certification sa limang COVID-19 testing laboratories.
Kinumpirma naman ni Health Asec. Maria Rosario Vergeire na mula bukas ay activated na rin ang laboratories ng St. Luke’s Hospital-Quezon City, St. Luke’s Hospital-Taguig at Lung Center of the Philippines para sa pagsasagawa ng COVID-19 tests.
Bukod pa, aniya, sa COVID-19 test laboratories sa malalaking ospital sa Visayas at Mindanao na may kakayahang magproseso ng 200 COVID-19 tests kada araw.
Ayon pa kay Asec. Vergeire, mayroon pang 40 karagdagang laboratories ang nag-a-apply sa kanila para sa pagtatayo ng COVID-19 testing centers.
Ang mga donations naman aniyang COVID-19 test kits ay patuloy na sumasailalim sa validation at review ng Department of Health (DOH).
Kinumpirma rin ni Asec. Vergeire na bumili na ang DOH ng isang milyong piraso ng personal protective equipments o PPEs sa halagang 1.8-Billion pesos at nakatakdang ipamahagi sa mga frontliners sa buong bansa.