Sinimulan na ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan ang paglilinis sa bungad ng mga ilog patungong dagat bilang bahagi ng River Rehabilitation and Flood Mitigation Project.
Unang isinagawa ang operasyon sa Limahong Channel sa Lingayen kahapon, Disyembre 24, 2025.
Layunin ng proyekto na mapabilis ang daloy ng tubig at mabawasan ang panganib ng pagbaha sa mga mabababang lugar.
Ayon sa Pamahalaang Panlalawigan, matagal nang naiipon ang makakapal na lupa at buhangin sa mga bungad ng ilog, na nagiging sanhi ng pagbabara at mabagal na agos ng tubig.
Bilang bahagi ng operasyon, pansamantalang mananatili sa dagat ang barkong gagamitin upang tuloy-tuloy na maisagawa ang pagtanggal ng mga naipong sediment sa mga bunganga ng ilog.
Ayon sa Department of Environment and Natural Resources, katuwang ang Mines and Geosciences Bureau, Environmental Management Bureau, at Department of Public Works and Highways, dumaan ang proyekto sa masusing pagsusuri ng Technical Working Group ng Inter-Agency Committee ng pamahalaang panlalawigan.
Itinuturing ng Pamahalaang Panlalawigan ang proyekto bilang pangmatagalang hakbang ng lalawigan upang tugunan ang paulit-ulit na pagbaha at maprotektahan ang buhay at kabuhayan ng mga Pangasinense. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









