RIZAL, CAGAYAN, TITINAAS SA RED CATEGORY; BAYAN NG SAN PABLO, ORANGE CATEGORY NA RIN

Cauayan City – Itinaas sa Red Category ang Bayan ng Rizal sa Cagayan habang naging Orange Category naman ang San Pablo, Isabela bilang Election Areas of Concern.

Ito’y batay sa naging resulta ng State of Readiness Conference ng Police Regional Office 2 (PRO2) na isinagawa sa Ivory Hotel, Tuguegarao City.

Batay sa resolusyon ng Regional Joint Security Control Center (RJSCC), ang pag-upgrade sa Rizal ay bunsod ng naganap na election-related violence kabilang ang pagpaslang kay Mayor Joel Ruma.

Itinaas naman ang kategorya sa bayan ng San pablo dahil sa pamamaril na ikinasugat ng isang kandidato sa Sangguniang Bayan at dalawa pang katao.

Dahil dito, magdadagdag ng pwersa ang PRO2 at iba pang law enforcement agencies upang matiyak ang seguridad ng mga botante at tauhan ng halalan.

Tiniyak ni Police Brigadier General Antonio P. Marallag Jr., Regional Director ng PRO2, ang kahandaan ng kapulisan upang mapanatili ang kapayapaan at integridad ng halalan sa rehiyon.

Nilahukan ng iba’t ibang ahensya gaya ng COMELEC, Armed Forces of the Philippines, PNP, at PCG ang nasabing pulong, kung saan tinalakay ang deployment plans, inter-agency coordination, at mga hakbang upang maiwasan ang karahasan sa mga election hotspots sa Region 2.

Facebook Comments