RIZAL DAY, GINUNITA SA IBA’T IBANG LUNGSOD SA PANGASINAN

Iba’t ibang lungsod sa lalawigan ng Pangasinan ang nagsagawa ng mga aktibidad ngayong Disyembre 30 bilang paggunita sa Rizal Day at pagpupugay sa buhay, kabayanihan, at sakripisyo ng bayaning si Dr. Jose Rizal.

Sa Dagupan City, isinagawa ang isang wreath-laying ceremony sa bantayog ni Dr. Jose Rizal sa City Plaza na dinaluhan ng mga kinatawan ng lokal na pamahalaan, mga tauhan ng Dagupan City Police Office, at iba pang ahensya.

Layunin ng seremonya na bigyang-pugay ang ambag ni Rizal sa kasaysayan ng bansa at ang kanyang papel sa paggising ng kamalayang makabayan ng mga Pilipino.

Samantala sa Alaminos City, taimtim ding ginunita ng lokal na pamahalaan ang ika-129 anibersaryo ng pagkamartir ni Dr. Jose P. Rizal bilang pagkilala sa kanyang buhay at sa mga adhikaing kanyang isinulong para sa kalayaan, katarungan, at dignidad ng sambayanang Pilipino.

Sa parehong lungsod, binigyang-diin na nananatiling mahalaga at napapanahon ang mga aral ni Rizal bilang inspirasyon at gabay sa patuloy na pagsusumikap para sa isang makatarungan, makatao, at maunlad na lipunan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments