
Patuloy na iniimbestigahan ng Rizal Provincial Police Office (PPO) ang viral photo online ng isang pulis na nagmamaneho ng motorsiklo na walang suot na helmet.
Ayon sa Rizal PPO, kanila nang inaalam ang pagkakakilanlan ng naturang personnel at inaalam ang buong detalye at konteksto ng insidente.
Dagdag pa nito, kung mapatunayan mang may paglabag, ay hindi mag-aatubili ang pulisya na patawan ng kaukulang administrative sanctions ang pulis alinsunod sa umiiral na guidelines.
Iginiit ni Rizal PPO Provincial Director PCol Eleazar Barber Jr. na hindi katanggap-tanggap ang anumang paglabag sa batas lalo na kung sa mismong hanay ng pulisya nagsimula.
Samantala, hinihikayat din niya ang publiko na iulat ang anumang insidente at makipag-ugnayan sa kanila kaugnay sa anumang hindi magandang asal ng kapulisan.










