Ready to fight na ang mga atleta na sina Angeline Landag Colonia, 16 taong gulang, at Rosalinda Baclas Faustino, 15 taong gulang, para sa Asian Youth and Junior Weightlifting Championships sa Uzbekistan sa darating na Hulyo 12.
Bagama’t kinakabahan, ay excited at masaya sina Angeline at Rose na i-representa ang Pilipinas sa Uzbekistan dahil ito ang kanilang kauna-unahang laban sa weightlifting.
Sa tulong ng Air Asia Philippines, DXRZ Zamboanga, at 96.3i-FM Zamboanga,
ipinagkaloob ng RMN Foundation ang kanilang libreng air ticket kasama ang kanilang Coach na si Gregorio Francisco Colonia, palipad ng Maynila para sa kanilang pag-eensayo sa ilalim ng Philippine Sports Commission (PSC).
Sa panayam ng RMN Manila, sinabi ni Coach Colonia, bagama’t dalawang beses nag-eensayo sina Angeline at Rose sa isang araw sa Zamboanga ay mas naging handa sila pagdating ng Maynila dahil sa mga conditioning training, partikular ang pagmaintain ng kanilang bodyweight na tinututukan ng nutritionist.
Tuloy-tuloy rin aniya ang suporta ng PSC sa dalawang atleta sa pamamagitan ng pagbibigay ng monthly allowance, libreng pagkain, at vitamins.
Dagdag pa ni Coach Colonia na malaking bagay ang libreng ticket na binigay ng RMN sa tulong ng Air Asia Philippines, sa training ng mga atleta dahil hindi na nila kailangang maglabas ng pera galing sa sariling bulsa at maghintay ng refund mula sa PSC.
Sa ngayon, sa makeshift gym sa bahay ni Coach Colonia nag-e-ensayo ang mga atleta.
Sa mga nais tumulong, makipag-ugnayan lamang sa RMN Foundation Facebook Page or sa DXRZ Zamboanga or 93.6 i-FM Zamboanga.