Naghatid ng tulong ang RMN Foundation kasama ang RMN DYHP Cebu sa mga apektadong pamilya na nasalanta ng Bagyong Odette noong December 2021.
Matatandaan na sa ikalima at ikaanim na beses nag-landfall sa bayan ng President Carlos P. Garcia at Bien Unido sa probinsya ng Bohol ang Bagyong Odette.
Sinalanta rin ng bagyo ang katabi nitong bayan, ang bayan ng Ubay.
Bagama’t nasa rehabilitation stage na ang mga apektadong Boholano ay nanatili pa rin na walang kuryente, limitadong supply ng tubig at pawala-walang linya ng komunikasyon ang ilang lugar tulad na lamang ng Brgy. Villa Teresita sa bayan ng ubay.
Kaya naman sa patuloy na call for donation ng RMN Foundation at RMN Networks ay nakapaghatid ang mga ito kasama ang RMN Cebu ng tulong sa 550 pamilya o 2,750 indibidwal kahapon sa Brgy. Villa Teresita sa bayan ng Ubay, Bohol.
Nakatanggap sila ng food packs na naglalaman ng bigas, mga de lata, kape, noodles at tubig sa tulong na rin ng donor na Project Nightfall Organization na siyang tumugon sa ating panawagan.
Bukod sa food packs na ibinigay ng RMN Foundation, naghatid din ng saya at palaro ang 93.9 iFM Cebu at RMN DYHP Cebu.
Nakatanggap ang ilan sa kanila ng hygiene care products, tubig, timba, tabo, towel mula sa ACS Manufacturing Corporation at Maynilad.
Habang wala pang maayos na linya ng kuryente at komunikasyon, nagbigay rin ng libreng solar radio unit ang RMN Foundation sa Brgy. Villa Teresita katuwang naman ang London Stock Exchange Group o LSEG bilang bahagi ng programa ng RMN na One Radio Campaign, Isang Radyo, Isang Bayan.
Ayon kay Brgy. Captain Albin Muring ng Brgy. Villa Teresita, malaking tulong ang radyo na kanilang natanggap upang makakalap sila ng mahahalagang balita na kanilang maibabahagi sa kanilang mga nasasakupan lalo na sa panahon ng kalamidad.
Sa ngayon, patuloy ang paghahanda ang RMN Foundation sa pag-iikot nito sa Visayas para maghatid ng tulong sa mga naapektuhan ng Bagyong Odette kasama ang mga RMN regional station.
Sa susunod na linggo ay tatahakin naman ng RMN Foundation ang Cebu para sa Oplan Tabang Relief Operation.