RMN Foundation, LSEG Philippines at DZXL Radyo Trabaho, namahagi ng tulong sa mga naapektuhan ng Bagyong Paeng sa Rosario, Cavite

Ilang araw bago ang Pasko, muling namahagi ng tulong ang RMN Foundation at DZXL Radyo Trabaho kasama ang London Stock Exchange Group o LSEG Philippines at LSEG Foundation sa ilang mga residente ng Brgy. Lugtong 1 sa Rosario, Cavite.

Nasa 100 pamilya ang nakatanggap ng mga food pack kung saan ang mga ito ay pawang mga nabiktima o naapektuhan ng Bagyong Paeng.

Bawat food packs ay naglalaman ng bigas, tubig, de lata at noodles habang may kasama rin itong mga hygiene kits gaya ng sabon, toothpaste, toothbrush at iba pa.


Nagpapasalamat naman ang mga residente ng Brgy. Lugtong 1 sa tulong na hatid sa kanila at isa na rito si Leng Mañas habang nagpapasalamat din si Sean Hamir Jamsuri ang Co-Lead, Community Action Team-PH ng LSEG Foundation sa naging proyekto ng RMN Fondation.

Ang Rosario, Cavite ang huling yugto ng pamamahagi ng mga food packs sa Luzon matapos magtungo sa Calauan at Alaminos sa Laguna gayundin sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao.

Sa kabuuan, aabot sa 400 pamilya ang nabigyan ng mga food packs mula sa RMN Foundation at LSEG Philippines bilang bahagi na rin ng tema ng RMN na makakarating ang Pasko sa bawat Pilipino.

Facebook Comments