Kilala nga ang Isla ng Siargao bilang tourist destination dahil sa likas nitong ganda at nakabibighaning tanawin.
Kaya nang tumama ang Bagyong Odette noong December 2021 ay maraming kababayan natin ang lubhang naapektuhan.
Matatandaan na siyam na beses nag-landfall ang Bagyong Odette at ito ngang Isla ng Siargao ang unang landfall o tinamaan ng bagyo.
Kaya naman tayo sa RMN ay nagbigay ng paunang tulong noong December sa mga apektadong pamilya sa Surigao at patuloy na nanawagan ng tulong hanggang ngayon.
Awa ng Diyos ay may mga tumugon at nagbigay ng donasyon sa ating panawagan.
Dahil dito, nagsagawa nga ng ‘Oplan Tabang Relief Operation’ ang RMN Foundation kahapon bilang tulong sa mga apektadong komunidad na nasalanta ng Bagyong Odette sa bayan ng Santa Monica, Isla ng Siargao, sa Surigao del Norte katuwang ang RMN butuan at RMN Surigao.
Nakatanggap ang 500 pamilya o 2,500 individuals ng food pack na naglalaman bigas, tubig at mga de lata.
Kwento ng mga residente na ating nakausap, bagama’t wala na ang bagyo at unti-unti na silang nakakapag-adjust ay hirap pa rin sila sa pagkain at kailangan din nila ng mga materyales na pampagawa ng kanilang bahay.
Nagpapasalamat naman ang RMN Foundation sa Project Nightfall organization na isa sa donor na nagtiwala at nagbigay ng tulong.
Para sa kaalaman ng lahat, ang Project Nightfall organization ay isang social media channel na napo-produce ng mga makabuluhang video content na napapanahon at mahahalagang usapin sa kapaligiran para sa online platforms.
Nagpapasalamat din tayo sa naging kaagapay sa misyong ito, sa Surigao del Norte provincial government, Santa Monica Local Government Unit at Santa Monica municipal police station.
Sa ngayon ay naghahanda na ulit ang RMN Foundation kasama ang RMN Butuan at RMN Surigao para naman sa susunod na relief operation bukas sa bayan ng Dinagat sa probinsya ng Dinagat Islands.