RMN Foundation, muling magsasagawa ng Oplan Tabang sa Siargao at Dinagat Islands

Matapos ang ating panawagan ng tulong para sa mga nasantala ng Bagyong Odette sa Visayas at Mindanao nang manalasa ito noong December 2021 ay may mga donor na tumugon at nagbigay ng mga donasyon sa RMN Foundation.

Kaya naman, agad naghanda ang RMN Foundation para makapaghatid muli ng tulong sa mga kababayan nating nangangailangan.

Katuwang ang RMN Butuan at RMN Surigao, nakatakdang puntahan bukas ng RMN Foundation ang bayan ng Santa Monica sa Siargao Island sa probinsiya ng Surigao del Norte.


Habang sa Huwebes, nakatakda namang puntahan ang bayan ng Dinagat sa probinsya ng Dinagat Islands.

Makatatanggap ang bawat pamilya ng foods packs na naglalaman ng bigas, tubig at mga de lata.

Aabot sa 1,000 pamilya o 5,000 indibidwal ang mabibigyan ng tulong.

Sa ngayon ay patuloy ang repacking ng mga relief pack sa broadcast center ng RMN Butuan habang dumating naman ang ibang food pack sa RMN Surigao broadcast station na dadalhin sa Siargao Island at Dinagat Islands.

Kaagapay rin sa misyong ito ang Surigao del Norte provincial government at Dinagat Islands provincial government.

Nagpapasalamat naman ang RMN Foundation sa Project Nightfall Organization para sa donasyong ito.

Para sa kaalaman ng lahat, ang Project Nightfall Organization ay isang social media channel na nagpo-produce ng mga makabuluhang video content na napapanahon at mahahalagang usapin sa kapaligiran para sa online platforms.

Abangan ang update ng RMN Foundation sa Oplan Tabang Relief Operation Program nito para sa mga kababayan nating nasalanta ng Bagyong Odette.

Facebook Comments