RMN Foundation, RMN DXBC Butuan at RMN Networks naghatid ng ayuda sa mga nasalanta ng Bagyong Odette sa Surigao

Halos dalawang linggo na ang nakakalipas matapos manalasa ang Bagyong Odette ay kitang-kita pa rin ang bakas na iniwan nito sa Surigao City, Surigao del Norte.

Bagama’t nadadaanan na ang mga kalsada, masisilayan pa rin ang mga nagtumbahang poste ng kuryente, mga punongkahoy, sirang mga bahay at mga structure.

Habang hindi pa nakababalik ang mga apektadong residente ay nananatili muna sila sa mga evacuation center.


Sa Clementino V. Diez Memorial Central Elementary School na kasalukuyang ginawang evacuation center sa Brgy. Washington, Surigao City, inabutan na sila ng Pasko at aabutan pa ng pagsalubong ng Bagong Taon ang mga evacuee.

Ayon sa mga residente, nangungunang problema nila ay ang malinis na tubig at pagkain.

Kaya naman, ang RMN Foundation katuwang ang Pfizer Philippines Foundation kasama ang RMN Butuan, RMN Surigao at RMN Cagayan de Oro, 4th CMO Battalion ng Philippine Army at 15th Army Reserve CARAGA ay nagdala ng malinis na tubig at food packs bilang tulong sa mga apektadong pamilya sa ilalim ng Oplan Tabang Program ng RMN Foundation.

Bawat pamilya ay nakatanggap ng bigas, mga de lata, instant noodles, kape at tubig.

Maliban sa Surigao, nagbibigay rin ang RMN Foundation ng ayuda sa Dinagat Islands, Cebu at Bacolod katuwang ang ating mga regional station na RMN Cebu at RMN Bacolod.

Pagkatapos ng relief operation ay tuloy-tuloy ang assessment ng RMN Foundation sa mga apektadong lugar upang makapagbigay pa ng ayuda sa mga apektadong komunidad.

Lubos naman ang pasasalamat ng RMN Foundation sa mga partner at donor na patuloy na nagtitiwala upang makarating ang tulong sa mga nangangailangan.

Patuloy pa rin na tumatanggap ng cash donations ang RMN Foundation para sa Bagyong Odette relief operations.

Facebook Comments