Manila, Philippines – Ngayong nag-umpisa na ang ber months nagbabala ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga motorista hinggil sa mas mabigat pang daloy ng trapiko.
Ayon kay MMDA Special Operations Task Force Commander Bong Nebrija, asahan na sa mga susunod na araw at buwan ang “Carmageddon”
Maliban kasi sa kaliwat kanang sale sa mga mall ay marami din ang road constructions at road repairs.
Isasara din ang Old Sta. Mesa Bridge sa Maynila at Estrella Pantaleon Bridge sa Makati City simula sa susunod na buwan at tatagal nang hanggang sa 7 buwan bago muling buksan ang mga tulay.
Samantala sa unang quarter naman ng 2019 isasailalim sa rehabilitation ang Guadalupe Bridge.
Sinabi ni Nebrija na 2 lanes ng Guadalupe Bridge ang isasara habang ito ay kinukumpuni.
Sa ngayon pinaghahandaan na ng MMDA ang magiging epekto ng pagsasaayos ng Guadalupe Bridge.
Isa sa nakikita nilang paraan dito ay ang pagbabawas ng mga provincial buses na dumaraan sa EDSA, pagpapatupad ng driver-only car ban at carpooling at patuloy na clearing operations laban sa illegal parking sa mga Mabuhay Lanes.