Manila, Philippines – Nangako si Public Works and Highways Secretary Mark Villar na isa hanggang dalawang taon ay gagaan na ang trapiko sa Metro Manila dahil sa Build-Build-Build program ng Pamahalaan.
Ayon kay Villar sa naganap na Economic Briefing dito sa Malacañang kanina, ilang mga infrastructure projects ang nakatakdang buksan ngyong taon hanggang sa susunod na taon na siyang makagiginhawa sa trapiko.
Inihalimbawa ni Villar ang Laguna Lake Highway na magiging operational na ngayong taon at ang Harbor Link na magbubukas naman sa ikatlong bahagi ng taon.
Sa susunod na taon naman aniya ay inaasahang bubuksan na ang skyway project at ang tulay na magdudugtong sa ilang lugar na pinagigitnaan ng Pasig River.
Aminado si Villar na maging siya ay naiinis na sa sitwasyon ng trapik sa Metro Manila kaya talagang asahan na gagawin ng kanyang tanggapan ang lahat para ito ay masolusyunan sa lalong madaling panahon.