
Ininspeksyon ni Public Works and Highways Secretary Vince Dizon ang isinasagawang proyekto ng DPWH-NCR sa Bonifacio Drive, Maynila.
Saklaw ng proyekto ang southbound lane mula sa gilid ng Manila Hotel hanggang sa kanto ng Katigbak Parkway.
Ang proyekto ay may pondong ₱42.9 milyon sa ilalim ng 2024 General Appropriations Act (GAA) at isinasagawa ng ANORE Construction.
Ang 105-metrong road repair at drainage improvement ay sinimulan noong May 27, 2025 at target na matapos sa May 30, 2025.
Ayon kay Dizon, layunin ng inspeksyon na alamin ang kasalukuyang kalagayan ng proyekto, matapos matukoy na kulang sa maayos na drainage ang naturang lugar. Sa kasalukuyan, nilalagyan ito ng malalaking plastic pipes.
Dagdag ng kalihim, inaasahang makatutulong ang 5×5 na drainage pipes upang maibsan ang pagbaha sa lugar, dahil didiretso ang tubig patungo sa Luneta Pumping Station.
Nauna nang natapos ang rehabilitasyon ng magkabilang sidewalk sa Bonifacio Drive, habang nagpapatuloy pa ang proyekto hanggang sa tuluyang makumpleto ang drainage system.










