Friday, February 27, 2026

ROAD CLEARING AT TRAFFIC MANAGEMENT, PINAGTITIBAY NG PULISYA SA LINGAYEN

Patuloy ang pinaigting na Road Clearing Operations at Strategic Police Presence ng Lingayen Municipal Police Station sa mga pangunahing lansangan ng bayan upang matiyak ang maayos na daloy ng trapiko at kaligtasan ng publiko.

Layunin ng kampanya na panatilihing maluwag ang mga kalsada at maging ligtas ang bawat biyahe ng mga motorista at pedestrian.

Mahigpit na binabantayan ang daloy ng mga sasakyan lalo na tuwing rush hour upang mabawasan ang pagsisikip ng trapiko, maiwasan ang iringan sa kalsada, at mapabilis ang oras ng biyahe ng mga mamamayan.

Tinatanggal ang mga ilegal na nakahambalang sa kalsada at sidewalk tulad ng mga hindi awtorisadong istruktura at nakaparadang sasakyan sa bawal na lugar. Tinitiyak din na malayang madadaanan ng mga pedestrian ang mga bangketa.

Ang presensya ng mga pulis sa mga pangunahing lansangan ay nagsisilbing panlaban sa krimen at nagbibigay ng agarang responde sa anumang insidente o emerhensiya sa tabing-kalsada.

Nakaantabay rin ang mga pulis upang tumulong sa mga nakatatanda, estudyante, at persons with disabilities (PWDs) sa pagtawid sa matataong bahagi ng kalsada.

Nanawagan ang Lingayen MPS sa mga residente at negosyante na sumunod sa itinakdang parking zones at iwasan ang paglalagay ng paninda o anumang materyales sa kalsada.

Facebook Comments