CAUAYAN CITY- Puspusan ang ginagawang road clearing operation sa mga nalaglag na sanga at natumbang kahoy sa Brgy. Tagaran, Cauayan City, Isabela.
Sa panayam ng IFM News Team kay Brgy. Kagawad Daniel Acob, dahil sa lakas ng hangin ay maraming punong kahoy ang natumba at nagsilaglagan na mga sanga kung saan naging balakid para sa mga motorista.
Aniya, tinatayang aabutin sila ng isang linggo bago matapos ang road clearing operation dahil sa dami ng mga nalaglag at natumba.
Tulung-tulong naman ang hanay ng Brgy. Tagaran sa paglilinis rito katulad ng pagputol at pag-alis sa mga ito sa gitna ng kalsada upang tuluyan nang maging malinis at makadaan ang mga motorista.
Kaugnay nito, patuloy rin ang isinasagawang road clearing operations ng mga opisyal sa iba’t-ibang barangay sa Lungsod ng Cauayan lalung-lalo na sa mga lugar na pinaka-apektado.