ROAD CLEARING OPERATIONS SA ILANG KALYE NG CAUAYAN CITY, UMAARANGKADA
Cauayan City, Isabela- Nagsagawa ng Road Clearing Operations ang mga tauhan ng Public Order and Safety Division (POSD) at Clearing Task Force sa ilang kalye ng Cauayan City na direktiba ng Department of Interior and Local Government (DILG) at ni Pangulong Duterte.
Sa eksklusibong panayam ng iFM Cauayan kay Ginoong Edwin Asis, Asst. Head ng binuong Clearing Task Force, nagbigay na ng ultimatum ang DILG hanggang Pebrero 16 para linisin ang mga nakahambalang sa kalsada na nagiging sanhi ng pagsikip sa daloy ng trapiko.
Aniya, nasa limang (5) barangay pa lang ang nasisimulang linisin mula sa 16 na bilang ng mga barangay para sa road clearing operations.
Giit ni Asis, may ilang negosyante ang pinipiling hindi kumilos at manatili nalang na nakatayo ang mga sagabal sa daan.
Ayon pa sa opisyal, nagbigay na sila ng notice sa mga nagmamay-ari ng establisyimento para gawin ang hakbang sa pagtatanggal ng mga nakahambalang na bahagi ng kanilang istraktura.
Sa ginawang pag-iikot ng task force, wala umanong tutol sa naging hakbang ng kanilang pwersa at ang ilan pa aniya ay nagpapasalamat sa hakbang ng pamahalaan para mas maging maluwag ang kalsada.
Umaasa naman si Asis na matatapos ang nasabing clearing operations bago pa man sumapit ang deadline.