ROAD CONSTRUCTION SA BEVERLY HILLS, IKINABAHALA NG ILANG RESIDENTE

CAUAYAN CITY – Nababahala ang ilang residente sa kabila ng ginagawang pagsasaayos ng daan sa pagitan ng Beverly Hills Subdivision at Kensingston Village sa Lungsod ng Cauayan.

Sa naging pahayag ni Ginang Josie, may-ari ng gasolinahan, apektado umano sila ng road construction lalo na ang kanilang negosyo dahil sakop ito ng nabakbak na kalsada.

Subalit sa kabila nito, inihayag nito na wala naman silang magagawa dahil para ito sa ikakaganda ng kanilang lugar kung kaya’t naiintindihan nila ang sitwasyon.

Ayon naman kay Tatay Jose, pangit umano ang sistemang ginawa dahil binakbak ng mga gumagawa ang buong kalsada. Malaking problema umano ito kapag maulan dahil magiging lubak-lubak ang daan.

Mas maganda umano para sa kanya kung unang aayusin ang isang bahagi ng kalsada, at isusunod ang kabilang bahagi, upang sa gayon ay hindi na umano kailangan ng detour para sa mga sasakyan.

Binigyang-linaw naman nito ni Kagawad Rolando Tacuboy, Chairman of Infrastructure ng Cabaruan na ginawa ito upang mas mapabilis ang curing ng daan.

Facebook Comments