Germany – Inaalam na ng Department of Foreign Affairs (DFA) kung may Pinoy na nadamay sa pag-araro ng isang van sa isang restaurant sa Muenster, Germany kung saan nasawi ang dalawa at ikinasugat ng 20 tao.
Ayon kay Philippine Embassy Chargè D’affaires Lilibeth Pono, inatasan na nila ang Philippine Honorary Consul sa Essen na si Heinz-Peter Heidrich na alamin ang mga detalye sa pangyayari lalo na ang kalagayan ng mga Pinoy.
Inabisuhan din aniya nila ang mga Pinoy sa Germany na maging mapagmatiyag kasunod ng insidente.
Nabatid na isang lalaki na sakay ng isang van ang inararo ang Grosser Kiepenkerl Restaurant.
Matapos nito ay nagpatiwakal ang suspek nang barilin ang sarili sa loob ng van.
Inalis naman na ang terorismo bilang motibo sa pag-atake kung saan napag-alaman na mayroong psychological problems ang suspek.
Tinatayang nasa 22,500 Filipino ang nasa Germany habang nasa 4,100 ang nakatira sa Muenster.