Manila, Philippines – Patuloy na nangangalap ng mga ebisensya ang NBI laban
kina dating Budget Secretary Florencio Abad at sa bayaw ni dating Pangulong
Noynoy Aquino na si Eldon Cruz.
May kaugnayan ito sa kanilang pagkakasangkot sa Road Right of Way Scam.
Ayon sa NBI, nagpapatuloy ang kanilang imbestigasyon sa nalalabi pang 291
claims para sa Region 12.
Kanina, kinasuhan na ng NBI sa Office of the Ombudsman sina dating Public
Works and Highways Secretary Rogelio Singson at tatlumpu’t tatlong iba pa.
May kinalaman ito sa mga pekeng road right of way claims para sa mga
proyekto sa General Santos City na nagkakahalaga ng P8.7 billion.
Kasama rin sa mga kinasuhan ng plunder, paglabag sa Graft and Corrupt
Practices Act at grave misconduct at dishonesty ang mga dati at
kasalukuyang opisyal at empleyado ng DPWH Region 12, auditor mula sa
Commission on Audit (COA) at Land Registration Authority.
Ilan ding mga pribadong indibidwal ang inireklamo kasama na ang sinasabing
pinuno ng sindikato na si Wilma Mamburan at Nelson Ti na financier ng grupo
at sinasabing malapit na kaibigan ni dating Pangulong Noynoy Aquino.
Ginawang batayan ng reklamo ang siyam na claims na nagkakahalaga ng P255.54
million para sa Just Compensation sa lupa na tatamaan daw ng proyekto ng
gobyerno.
Gayunman, nadiskubre ng NBI na peke ang mga transfer of certificate of
titles, tax declarations, city appraisal reports, city treasurer’s
certification on Real Property Tax Receipts at iba pang public documents na
ginawang batayan para sa claims.