Hiniling ni Deputy Speaker at Batangas Rep. Ralph Recto kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na i-update ang RAIN o “Roadmap to Address the Impact of El Nino.”
Ayon kay Recto, ang RAIN ay isang comprehensive strategy paper na binalangkas sa ilalim ng Aquino administration para maproteksyunan ang food, health, safety at energy security sa pagtama ng El Nińo noong 2015 hangang 2016.
Layunin ng panawagan ni Recto kay Pangulong Marcos na magkaroon ng epektibong mga aksyon ang pamahalaan laban sa El Niño para hindi maging matindi ang epekto nito sa mga magsasaka at hindi makadiskaril sa suplay ng pagkain, tubig at enerhiya.
Sabi ni Recto, mainam na pangunahan ni Pangulong Marcos ang pag-update sa RAIN para sa 2023 version ng El Niño dahil kung hindi ay pangunahin nitong tatamaan ang sektor ng agrikultura na derektang nasa ilalim ng pangangasiwa ng pangulo.
Binigyang diin ni Recto na labis na ngayong nagdurusa ang sektor ng agrikultura dahil sa fuel at fertilizer crisis kaya dapat maawat ang nakaambang hagupit dito ng El Niño at iba pang uri ng masamang lagay ng panahon.