
Sinabayan ng random roadworthiness inspection ng Department of Transportation–Special Action and Intelligence Committee for Transportation (DOTr-SAICT) ang isinasagawang tigil-pasada ng grupong MANIBELA ngayong araw.
Sa naturang operasyon, naharang ng mga awtoridad sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) ang ilang bus dahil sa depektibong bahagi gaya ng pudpod na gulong, pundidong brake lights at sirang kaha.
Tiniyak naman ni SAICT Head Rayson Dela Torre na hindi makababawas sa mga maaaring sakyan ng mga pasahero sa kasagsagan ng tigil-pasada ang mga PUV na patitigiling bumiyahe dahil sa iba’t ibang paglabag.
Patuloy naman ang paalala ng DOTr-SAICT na siguruhing maayos ang kondisyon ng sasakyan at kumpleto ang mga papeles nito kapag bibiyahe.










