Sinimulan na ng Land Transportation Office (LTO) ang pag-iinspeksyon sa mga terminal bilang bahagi ng kanilang “Oplan Undas.”
Ayon kay Atty. Alex Abaton ng LTO – Special Legal Assistant to the Office of the Assistant Secretary, layon ng inspeksyon na matiyak ang roadworthiness ng mga pampublikong sasakyan para sa ligtas na pagbiyahe ng mga pasahero.
Maliban sa pagsuri sa kondisyon ng mga PUV, mahigpit ding babantayan ng LTO ang posibleng paglabag sa overloading at overcharging.
Pinayuhan naman ni Abaton ang mga pasahero na iwasang magdala ng mga sobra-sobrang bagahe at mga ipinagbabawal na bagay gaya ng alak at patalim.
Samantala, magsasagawa rin ang LTO ng surprise random drug test sa mga terminal.
Pinaalalahanan naman ng ahensya ang mga tauhan nito na bawal munang umabsent simula bukas, October 27 hanggang November 4.