Robin Padilla sa insidente sa Recto Bank: ‘Wag na lang natin palakihin’

via Facebook / Robin Padilla

Sinuportahan ng action star na si Robin Padilla ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte ukol sa paglubog ng bangkang pangisda ng mga Pilipino matapos banggain ng Chinese vessel sa Recto Bank sa West Philippine Sea.

Sinabi ni Padilla na huwag na lamang palakihin ang isyu dahil wala aniyang laban ang Pilipinas sa China kung magkaroon ng giyera.

“Kasi sinabi ng ating mahal na Pangulo na hindi ‘yun dahilan para tayo eh makipaggiyera sa China at tayo’y matunaw na,” ani Padilla sa kanyang Facebook live, Martes.


“Kaya napakasensitibo po ‘yan na topic, mahirap po diyan na nagmamatapang tayo at idadamay natin ang buong bayan…” dagdag ng aktor.

Ikinatwiran din ni Padilla na wala naman daw namatay sa 22 mangingisdang lulan ng binanggang bangka.

“Wala namang namatay don sa ating mga kababayan. Alhamdulillah. At naiuwi nila ang bangka nila, pati ‘yung huli nila. Sa tingin ko naman e humingi na rin ng dispensa ang China ‘di ba sa nangyari,” ani Padilla.

“‘Wag nalang ho natin palakihin. Siguro katulad ho ng sinasabi ko nung araw, kung sino yung matatapang, e sila nalang ‘yung pumunta don. ‘Wag na natin idamay pa yung Armed Forces, yung Pilipinas. Sarili nalang ninyong sikap kung talagang matapang kayo, edi patunayan niyo dun…” pagpapatuloy niya.

Naniniwala rin aniya ang aktor sa linya ni Bruce Lee na “the art of fighting without fighting” sa pelikulang “Enter the Dragon.”

“Tama yung sinabi ni Bruce Lee- sabi niya pwede naman makipaglaban nang hindi nakikipaglaban, fighting without fighting. Kailangan utak muna ang nakikipaglaban at magaling diyan ang presidente natin… kumbaga nakikipag chess yung ating pangulo sa presidente [ng China]…” sabi ni Padilla.

Sinabi rin ng binansagang “Bad Boy” at nakilala sa mga matatapang at sigang karakter na hindi tatagal nang isang araw ang Pilipinas sakaling makipaggiyera sa China.

“Kapag tayo ho ay nakipaggiyera sa China, hindi ho tayo tatagal ng isang araw… Tayo ho dapat lalaban lang tayo pagka in-invade na tayo. Pag sinabing conventional warfare, diyan, puwede ho nating ilabas ang tapang natin diyan. Ibig sabihin, harapan tayo. Yaong kalaban natin nasa harap natin. ‘Yun ho ‘yung magandang laban.”

Tinawag ni Duterte ang insidente na “maliit na maritime accident” sa kanyang speech para sa ika-121 anibersaryo ng Philippine Navy nitong June 17.

Sinabi niya rin na hindi ito sapat na dahilan para magpadala ng Philippine Navy sa lugar.

Facebook Comments