
Ipinasisiyasat ni Sen. Risa Hontiveros ang mga online gaming platform matapos mapigilan ng mga otoridad ang isang grupo ng mga kabataan sa Laguna na umano’y may tangkang magsagawa ng mass shooting sa isang paaralan.
Sa inihaing Senate Resolution No. 357, inaatasan ang Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality na imbestigahan ang mga online gaming platform tulad ng Roblox, Minecraft, Fortnite, Call of Duty, at Free Fire, pati na ang iba pang multiplayer online games na may violent content na posibleng makaimpluwensya sa mga kabataan na gumawa ng karahasan.
Nababahala ang senadora dahil sa kakulangan umano ng mekanismo sa mga ganitong platform para ma-verify ang edad at pagkakakilanlan ng mga naglalaro, kaya hindi lubos na napoprotektahan ang mga menor de edad laban sa predators at harmful content.
Tinukoy rin ni Hontiveros na ang mga online gaming platform na may chat features ay maaaring mapasok ng mga matatanda at magamit upang makipag-ugnayan sa mga bata, na posibleng mauwi sa grooming, pang-aabuso, at maging sa pag-uudyok ng karahasan.
Hinikayat ng mambabatas na, kasabay ng mabilis na pag-unlad ng teknolohiya, ay paigtingin ng Kongreso ang mga batas at regulatory frameworks upang mapalakas ang digital literacy at responsableng gaming education ng mga kabataan.
Tinutugunan din ng naturang imbestigasyon ang epekto ng labis na exposure sa online games sa mental health ng mga kabataan.










