Nakatanggap ang Office of the Vice President (OVP) ng pinakamataas na audit rating mula sa Commission on Audit (COA) para sa Fiscal Year 2020.
Ayon kay Vice President Leni Robredo, masaya sila dahil ito na ang ikatlong sunod na taong nabigyan ang OVP ng “unqualified opinion”.
Ang nasabing rating ay kumikilala sa masinop na pagtatala ng gastusin ng opisina.
“Sobrang saya namin… na-maintain namin for the third straight year ‘yung unqualified audit,” ani Robredo sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila.
Aminado naman ang bise presidente na naging malaking hamon ang COVID-19 pandemic sa paggasta ng OVP.
Katunayan, hindi niya akalain na makukuha pa rin ng OVP ang pinakamataas na audit rating dahil sa malaking adjustment na ginawa ng tanggapan sa kanilang budget para matugunan ang pandemya.
“Alam mo naman Ka Ely, nung 2020 eto yung pandemic year di ba? Paggawa ng budget wala pang pandemic. So, nung nagkakaroon na ng pandemic, kailangan kaming mag-ayos ng budget para maadjust siya sa pandemic.”
“Risk yun para sa’min kasi maraming regulations ng COA na hindi mo basta basta magagalaw yung funds. Maingat na maingat kami pero hindi talaga maiwasan na hindi gumastos for COVID na wala naman sa budget,” dagdag niya.
Welcome naman kay Robredo ang mga komentong ibinigay ng COA kaugnay sa mga nakita nitong discrepancy sa paggasta ng OVP.
“May mga discrepancies sa binigay sa natanggap… ang hirap kasi sa donations kasi iba-iba. Halimbawa, maraming ibinibigay samin, nakabalot na, karamihan hindi na namin nire-repack. Kung papano sa’min binigay, yun din yung pagbigay namin kasi yun naman yung intent ng donor,” paliwanag ni Robredo.
“So, sinasabi ng COA na kailangang ma-account to the last unit of measure yung mga binigay. Admitted naman namin na mahirap talagang gawin,” dagdag niya.