Kinumpirma ni Vice President Leni Robredo na tinanggihan niya ang ‘unification formula’ ni Senador Panfilo Lacson para sa halalan sa susunod na taon.
Una nang sinabi ng senador na hindi pumayag ang bise presidente sa ideya dahil gusto niyang tumakbo sa pagka-pangulo, ang posisyon na ikinokonsidera rin ni Robredo.
Aniya, nakasaad sa proposal ni Lacson na maghahain sila ng certificate of candidacy (COC) pero ang sinumang makakakuha ng mababang bilang ng suporta ay dapat na mag-withdraw.
Pero katwiran ni Robredo, oras na maghain siya ng COC, hindi na siya magwi-withdraw.
“Simple ‘yung dahilan ko sa pagtutol dun sa proposal. Kapag nag-file ako, kailangan kong ituloy ang laban. Hindi ako pwedeng umatras kahit gaano pa kahirap kasi pinresenta ko na yung sarili ko sa publiko e. ‘Yun ang reason kung bakit ‘di ako agreeable dun sa proposal,” paliwanag ni Robredo sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila.
Sa kabila nito, hindi nawawalan ng pag-asa si Robredo na makakahanap pa sila ng ibang “formula” para sa unification.
“Hindi ako nawawalan ng pag-asa na maghanap pa, kasi proposal lang naman yun e. Patuloy na naghahanap ng best na formula. Ano yun, medyo out of the box, naiintindihan ko kung saan nanggaling si Sen. Ping, pareho siguro sakin, naniniwala rin siya na mahalaga ang unification kaya niya yung prinopose,” dagdag ni Robredo.
Sa Setyembre o Oktubre, maglalabas ng desisyon si Robredo hinggil sa magiging plano niya sa 2022 elections.