Bago ang Oktubre a-otso ay magdedesisyon si Vice President Leni Robredo hinggil sa magiging plano niya sa May 2022 national elections.
Tugon ito ng tagapagsalita ni Robredo na si Atty. Barry Gutierrez kasunod ng ulat na tinanggap na umano ni pangalawang pangulo ang nominasyon sa kanya maging standard bearer ng koalisyong 1Sambayan.
Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN, sinabi ni Gutierrez na mainam kung hihintayin na lamang ang mismong anunsyo ni Robredo.
“Si VP Leni mismo ang magsasabi kung ano ang kanyang desisyon. Hindi natin kailangang manghula, gumawa ng kung ano-anong kuru-kuru. Ilang araw na lang siya ang magsasabi mismo at tiwala lang, pasensya na,” ani Gutierrez.
Tiniyak din ni Gutierrez na kung magdesisyon na si Robredo ay wala na itong atrasan.
“Kaya naman si VP Leni, talagang pinag-iisipan. Hindi yung parang, ‘hindi na ko tatakbo’ tapos biglang magbabago ng isip o kaya ‘tatakbo ako’ tapos biglang aatras. Walang ganon, klaro sa kanya. Kapag siya ay nagdesisyon na tatakbo sa pagkapangulo, dire-diretso yun,” paliwanag ni Gutierrez.
Kasabay nito, inalis ni Gutierrez ang mga espekulasyong itutuloy ni Robredo ang pagtakbo bilang gobernador ng Camarines Sur.
Nabatid kasi na noong Huwebes, pormal nang nailipat ng pangalawang pangulo ang kanyang rehistrasyon sa Magaro, Camarines Sur mula sa dati niyang hometown sa Naga City.
“Hindi ibig sabihin nito na siya ay tatakbo sa lokal sa CamSur, wala itong kinalaman sa anumang plano na tatakbo sa lokal. Klarong-klaro yung sinasabi ni VP Leni, ang kanyang priority sa kasalukuyan ay pagtakbo sa nasyonal, pagtakbo bilang pangulo ng ating bansa,” dagdag niya.
Una nang sinabi ni Robredo na hindi niya mamadaliin ang kanyang sarili na makapagdesisyon.
Samantala, ayon kay Gutierrez, nananatili ring opsyon kay Robredo ang tumakbo muling bise presidente ng bansa.