Robredo, maghihintay ng utos hinggil sa posibleng pagpapadalo muli sa kanya sa cabinet meeting

Handa si Vice President Leni Robredo na dumalo sa cabinet meeting sakaling ipag-utos ito ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Kasunod ito ng pahayag ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na pwede na ulit dumalo sa cabinet meeting ang Bise Presidente matapos siyang italagang Co-Chairman ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).

Pero ayon kay Robredo, mas mahalaga sa kanya ang kooperasyon ng mga ahensya ng gobyerno.


“Mag-a-attend ako kung imbitahan ako. Pero kung hindi ako imbitahan, hindi ako pupunta kasi… sila din yung nag-order sa’kin na huwag mag-a-attend. Pero sa’kin hindi importante. Ang importante sa’kin cooperation ng mga agencies. Makikita natin yung sincerity ng offer kung yung agencies fully magcooperate.”

Dagdag pa ng Bise Presidente, gagawin niya ang kanyang trabaho gaano man kababa o kaliit ang ibinigay sa kanyang posisyon.

Ito ay sa harap na rin ng mga dudang magagampanan niya ang kanyang tungkulin bilang Co-Chairman ng ICAD.

“Kahit gaano kababa, kahit gaano kaliit yung posisyon, basta tingin ko may maiaambag ako, tatanggapin ko. Ito yung pagkakataon na may legitimacy akong kwestyunin eh kasi miyembro na ‘ko. Aware naman ako, wala akong mga false hopes na susunod sa’kin lahat. Pero sa’kin, bola niyo yan. Basta ako eto yung sa’kin.”

Samantala, nilinaw rin ni Robredo na hindi niya pagbabawalang magdala ng baril ang mga pulis sa mga Anti-Illegal Drug Operations, taliwas sa mga impormasyong kumakalat sa social media.

“Wala akong kahit anong pangako kasi alam natin kung gaano ka-complex pero sisiguraduhin ko lang mas magiging mabuti siya kesa sa dati. Naniniwala akong kaya itong gawin na walang senseless na patayan na mangyayari. Ang problema syempre yung mga trolls nanaman, active nanaman ngayon. Yung ating sinabi na walang patayan, binaliktad nanaman. Sinabi ko daw na dapat walang armas yung pulis. Pwede ba naman yun.”

Si Vice Presidente Leni Robredo sa programang biserbisyong Leni sa RMN.

Facebook Comments