Umapela si Vice President Leni Robredo ng luma, ngunit gumagana pa na gadgets para sa mga estudyante at guro na mangangailangan nito sa distance learning method dahil sa COVID-19 pandemic.
Sa Facebook nitong Martes, hinimok ni Robredo ang publiko na tipunin ang mga lumang laptop, desktop computer, smartphone at tablet para sa programang ilulunsad ng Office of the Vice President (OVP).
“Mayroon ba kayong smartphones, tablet computers, laptop o desktop computers na hindi niyo na ginagamit? Inaanyayahan namin kayo na tipunin ang mga ito para sa inisiyatibong ating ilulunsad, sa paglalayong makatulong sa napipintong pagpapatupad ng distance learning sa gitna ng COVID-19 crisis,” anang opisyal.
“Kahit hindi bago, ang mahalaga ay gumagana pa nang maayos at may basic programs ang gadget o computer. Makatutulong lalo kung maibibigay rin ang accessories gaya ng charger na kasama nito,” dagdag niya.
Sinabi ni Vice President na makakarating ang donasyon sa mga “estudyante na walang pambili o access sa ganitong mga kagamitan, at sa mga guro na gagamit ng bagong medium upang magbahagi ng kaalaman.”
Inanyayahan ni Robredo ang mga interesadong donor na mag-abang lang ng iba pang detalye sa Facebook page ng OVP.
Bagaman may limitadong budget mula sa national government, naging aktibo ang OVP sa pagtugon sa pangangailangan ng publiko at mga ospital sa gitna ng krisis sa COVID-19 sa tulong ng pribadong sektor.
May ilang indibidwal at grupo na ring naglunsad ng donation drive upang mabigyan ng kagamitan ang mga kapus-palad na estudyante sa inihahandang online learning method.
Matatandaang nanindigan si Pangulong Rodrigo Duterte na tutol siya na pabalikin ang mga etsudyante sa eskwelahan hangga’t wala pang bakuna kontra coronavirus.