Nanawagan si Vice President Leni Robredo sa pamahalaan, political parites, at sa buong sambayanan na magkaisa laban sa banta ng pandemya.
Sa kanyang Ulat sa Bayan, sinabi ni Robredo na maaaring manaig na lamang ang hidwaan o kaya naman ay buksan ang puso para sa isa’t isa.
“Iisang bansa tayong tumutungo sa iisang kinabukasan, kaya nga ang sangandaang kaharap natin: Puwede tayong patuloy na maipit sa hidwaan. O puwede tayong makinig at magbukas ng puso sa isa’t isa. Puwede tayong magkaisa,” ani Robredo.
Ipinunto rin ni Robredo na ang trabaho ng gobyerno ay hindi lamang pagbuo ng mga polisya pero responsibilidad ding gabayan tayo sa iisang direksyon.
“Ang itutok tayo sa iisang direksyon; ang ipaalala sa atin na anuman ang mga di-pagkakasundo, iisang bayan tayo,” dagdag ng bise presidente.
Bahagi aniya ng tungkulin ng pamahalaan na magkaisa ang lahat sa panahon ng krisis.
Nagbabala ang bise presidente sa pagtuloy na pagkakawatak-watak at ipinaalala na magkakapatid, magkakapamilya, magkakabayan ang lahat.
“Buong-buo ang paniniwala ko: Mulat ang Pilipino sa katotohanang ito. Buong-buo ang tiwala kong patuloy tayong kikilos upang isabuhay ito. Buong-buo pa rin ang tiwala ko sa sambayanang Pilipino,” sabi ni Robredo.
Aniya, ang mga internet trolls na patuloy na inaatake ang mga kritiko ng administrasyon, at sila ang dahilan kung bakit nagkakaroon ng dibisyon at away.
“Tayo ang lakas ng isa’t isa, pero parang tayo palagi ang pinag-aaway—tayo ang hinahati sa tribo, ayon sa kung saang isla o probinsya ka lumaki, kung paano mo iniuumang ang kamao mo, kung sino ang sinuportahan mo noong nakaraang halalan,” sambit ng bise presidente.
Nanawagan si Robredo na itigil na ang blame-game o pagsisihan dahil hindi ito nakakatulong sa pag-usad ng bansa.