Robredo, nilinaw na wala pang desisyon sa 2022 elections

Itinanggi ni Vice President Leni Robredo na nakapagdesisyon na siya hinggil sa plano niya sa 2022 elections.

Kasunod ito ng tila pagtatalo nina Camarines Sur 2nd District Rep. LRay Villafuerte at dating Camarines Sur 1st District Rep. Rolando “Nonoy” Andaya hinggil sa posisyong tatakbuhan ni Robredo sa susunod na taon.

Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, sinabi ni Robredo na hindi totoong nakapagdesisyon na siya.


Pagtitiyak ng bise presidente, kapag may desisyon na siya ay sa kanya mismo ito manggagaling at hindi sa ibang tao.

Wala rin aniyang dahilan para itago niya ang kanyang mga plano sa pulitika.

“Nakakatawa kasi pinapangunahan tayo. Ang sakin lang, kapag meron na kong desisyon, sakin yun manggagaling. Kapag meron nang desisyon, bakit ko itatago di ba?” ani Robredo.

Sa ngayon, ayon kay Robredo, hindi pa siya makapag-desisyon sa magiging plano niya sa halalan sa 2022 dahil nakatutok siya sa pagtugon sa pandemya.

“Hindi naman ‘to na gusto ko lang ng posisyon e pero ang daming consideration. Hindi tayo pwedeng mag-decide ng mas maaga kasi nga ang daming kino-consider, nakaantala pa nito kasi nag-COVID. Siguro kung walang COVID, last year pa parang yung focus natin nasa susunod nang eleksyon pero dahil nga nag-COVID, hindi tayo makapag-focus don,” giit pa niya.

Facebook Comments