Robredo, OVP nakalikom na ng halos P60M donasyon para sa COVID-19 response

Vice President Leni Robredo

Matapos makakalap ng P57.23 milyon, pinasalamatan ni Vice President Leni Robredo ang lahat ng nagpaabot ng donasyon sa kanyang tanggapan na nakatulong na sa libu-libong nangangailangan sa gitna ng COVID-19 pandemic.

“Sa mga nagbigay ng donasyon at iba pang tulong, maraming, maraming salamat sa inyo. Umabot ang ambag ninyo mula Batanes hanggang Tawi-Tawi,” saad ni Robredo sa video sa Facebook page ng Office of the Vice President.

Sa parehong video, inilatag ng bise ang mga ginawang hakbang ng kanyang tanggapan sa nakalipas na higit isang buwan mula nang simulan ang donation drive noong Marso 13.


Nakapaglaan na ang OVP ng 12 dormitoryo para sa frontliners, naserbisyuhan ng libreng sakay ang 11,429 katao, nakabili ng 129,897 personal protective equipment (PPE) sets, at 15,534 food and care packages mula sa pinagsamang pondo ng OVP at donasyon.

Naipamigay na ang 7,764 food and care packages, habang halos 100,000 PPE sets naman ang nakarating na sa 552 na mga pasilidad.

“Dahil sa kakulangan ng supply, nagpagawa rin tayo ng mga locally-designed PPE; nakapagbahagi na tayo ng 1,245 nito bilang tulong sa mga frontliner pati na sa mga mananahing Pilipino,” banggit ni Robredo.

Naglaan din ng pondo ang OVP para sa mga extraction kit na sapat para sa 12,750 na samples.

“Noong March 19, naiturn-over na natin ito sa RITM [Research Institute for Tropical Medicine]. Sinundan ito nitong Biyernes lang ng 10,000 testing at extraction kit na dinevelop ng UP [University of the Philippines] at magagamit sa mga accredited testing centers,” saad ng bise.

Sa kabuuan, naparating na ng OVP ang tulong sa 594 na ospital, 45 health facilities tulad ng mga dialysis center, 62 na lokal na pamahalaan, 102 rural health units, 10 na non-government organizations, 17 na government agency at anim na funeral parlor.

Bukod dito, halos P6.8 milyong halaga ng pagkain din ang naipaabot sa mga ospital, checkpoint, at komunidad, habang 3,153 relief packs naman para sa 12 pang komunidad kabilang ang mga nasunugan kamakailan.

Inanunsyo na rin ni Robredo ang pagsasara ng donation drive at pagtanggap nila ng food and care packs sa Abril 30.

“Sinimulan natin ang donation drive upang punan ang mga pangangailangang hindi agad kayang tugunan ng gobyerno. Mas malaki kaysa sa inasahan ang mga pangangailangang ito, kaya’t nagpasya tayong i-extend ang unang April 14 deadline para sa mga donasyon,” paliwanag ng bise presidente.

“Ngayon, nagsisimula nang magkahugis ang proseso ng procurement at pag-distribute ng pamahalaan. Inaasahan na rin ang malaking halagang makukuha ng administrasyon mula sa Bayanihan to Heal as One Act,” dagdag niya.

Nanawagan din si Robredo ng pagkakaisa sa gitna ng krisis sa parte ng publiko at ng awtoridad.

“Alam kong malaking sakripisyo ito para sa marami, pero tandaan natin: Buhay ang laging nasa timbangan. Mas matimbang ang buhay at mas agaran ang pangangailangang matigil ang pagkalat ng sakit,” mensahe ng bise.

Facebook Comments