Aminado si Vice President Leni Robredo na labis ang panghihinayang niya sa pondong hindi nagamit sa ilalim ng Bayanihan 2 o “Bayanihan to Recover as One Act.”
Nabatid na napaso ang Bayanihan 2 noong June 30 kung saan aabot sa P18.4 billion ang unused funds.
Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, sinabi ni Robredo na kung nabigyan sana sila ng pondo para sa pagtugon sa COVID-19 pandemic, marahil ay mas marami ang kanilang nasilbihan.
“Sobrang sayang! Iniisip ko lang, kung binigay kaya ‘yun sa’min, ilan na kaya yung nasilbihan namin ng bakuna,” ani Robredo.
“Halimbawa, dun sa P18.4 billion, P6.6 billion for testing. So, sayang di ba? Para sa’kin, kung meron akong 6.6 billion, na-expand ko ng grabe yung testing capacity ng iba’t ibang lugar na kulang pa yung testing capacity.”
“So, sobrang sayang kasi ito yung time na kailangan talaga natin ng pondo. Parating sinasabi ng Pangulo na wala tayong pera, pero nandyan yung pera, hindi nagastos. Napakahirap naman yata ng ganon na nagpasa ‘yung Congress para magkaroon ng pondo para sa mga ganitong gastusin tapos hindi magagastos, sayang,” giit pa niya.