Pag-aarmas ni Pangulo Duterte sa civilian volunteers, tinutulan ni VP Robredo

Mariing kinontra ni Vice President Leni Robredo ang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na armasan ang mga sibilyang anti-crime volunteers para tumulong sa gobyerno sa pagsugpo ng krimen.

Giit ng Bise Presidente, masyadong delikado ang pag-aarmas sa mga civilian volunteers dahil malaki ang posibilidad na ito ay maabuso.

Aniya, hindi basta basta ang pag-aarmas dahil may kaakibat itong malaking responsibilidad at pananagutan.


“Yung pag-aarmas hindi yan basta-basta e, kasi parang yung espasyo sa pang-aabuso ang laki. Yung sa’kin, ang daming problemang mare-resolve na hindi naman kailangan ng armas,” ani Robredo sa Biserbisyong Leni sa RMN Manila.

“Masyadong delikado yan Ka Ely, kasi nangyari na yan in the past di ba? Matuto tayo sa mga aral from the past. Alam natin di ba, in the past, ang daming pang-aabuso dahil sa paghawak ng armas,” dagdag niya.

Sa halip, ayon kay Robredo, dapat na maging “preventive” ang aksyon ng gobyerno kung saan mahalaga ang involvement ng mga tao.

Para kay Robredo, hindi epektibo ang klase ng pamumunong nabubuhay sa takot ang publiko.

“Ang gusto kong sabihin, ‘yung tao hindi yan beneficiary ng government projects pero dapat partner sila. Kapag ganon, nababawasan yung problema kasi lahat may stake sa governance hindi yung parang naghihintay lang kami, susunod lang kami kung anong order,” giit niya.

“Kasi ‘pag parang subject na kailangang sumunod sa order parang ganon na kaagad yung mindset na kapag hindi kayo sumunod ikukulong kayo… pwedeng may harm na mangyari sa inyo. Parang laging nag-o-operate tayo sa takot. Sa’kin, hindi rin effective.”

Facebook Comments