Umaasa si Vice President Leni Robredo na wala nang mangyayaring cover-up at lalabas na ang katotohanan hinggil sa mga iregularidad sa pagbili ng gobyerno sa umano’y overpriced COVID-19 pandemic supplies.
Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN, binigyang-diin ni Robredo ang papel ng mga witness sa pagbubulgar ng mga anomalya sa pagbili ng mga medical supplies para sa Department of Health.
Kabilang rito ang testimonya ng opisyal ng Pharmally na si Krizle Grace Mago na inaming pinapalitan ang expiry dates ng mga ibinebenta nilang face shields.
“Talagang ang daming irregularities yung nangyari tapos napakalaking pera yung involved,” ani Robredo.
“Sa’kin mabuti na lang Ka Ely, merong mga lumalabas na witness. Ang satin lang na pakiusap sana wala nang cover-up, sana lumabas na yung katotohanan para hindi na ito nauulit pa,” dagdag niya.
Matapos ang testimonya, malinaw ayon kay Robredo na ginagamit na negosyo ng ilan ang pandemya.
Para sa bise presidente, “unforgivable” ang mga ganitong gawain ngayong pandemya na kumitil na ng maraming buhay.
“Dati tsismis lang yung baka pinagkakakitaan, pero ngayon kasi kung nanonood tayo ng Senate hearings, it appears na may mga kumite talaga,” aniya.
“So sa’kin, hindi talaga siya forgivable. Hindi na nga forgivable yung corruption at any stage, lalo pa ngayong pandemic. Ang isip ko lang, pano pa kaya nakakatulog tong mga tao na ‘to. Ang dami na ngang naghihirap, yung inisip pa nila yung delihensya,” dagdag niya.
Samantala, sinabi ni Senador Richard Gordon na hindi na nila makontak si Mago, matapos ang naging mabibigat na pasabog nito hinggil sa mga anomalya sa Pharmally.