Hindi sang-ayon si Vice President Leni Robredo sa naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na kilala lamang ang dating Pangulong Cory Aquino dahil sa pagkamatay ng asawa nitong si dating Senador Ninoy Aquino.
(Basahin: Duterte: Cory Aquino, nakilala lang dahil sa yumaong asawa)
Sa kanyang radio program na “BISErbisyong Leni” sa DZXL, sinabi ni Robredo na hindi mahalaga kung paano nakilala ang isang politiko; ang mahalaga aniya ay kung paano ito naglingkod sa sambayanan.
“Hindi siguro nagma-matter kung paano nakilala, pero iyong nagma-matter, noong binigyan ng pagkakataong makapagsilbi, paano nagsilbi? Iyon siguro iyong mahalaga,” sabi ng Bise Presidente.
Iginiit niya na nakilala ang dating pangulo dahil sa naging papel niya sa panunumbalik ng demoksrasya sa bansa at hindi lamang dahil sa pagkamatay ni Ninoy.
“Alam natin na iyong pinagdaanan niya hindi basta-basta. Hindi lang sa nawala iyong asawa, pero bago nawala iyong asawa, kung ano-anong panggigipit iyong napagdaanan noong panahon ng rehimeng Marcos. Noong nakaupo na bilang Presidente, alam nating sunod-sunod na kudeta iyong nalampasan,” aniya.
“Pero maaalala kasi iyong kanyang administrasyon, iyon iyong turning point ng pag-regain natin ng ating demokrasya, ng ating mga democratic institutions. Kaya napakalaki ng kontribusyon para sa ating bansa,” dagdag ni Robredo.
Aniya pa, imbes na pag-usapan kung paano sumikat si Aquino, alalahanin na lamang ang mga nagawa nito bilang Presidente noong 1986 hanggang 1992.
“Parang ako rin, siguro ako, kung hindi namatay iyong asawa ko, hindi rin ako magiging politiko. Si President Cory ganoon din. Pero iyong pinakatanong: Noong nabigyan ng pagkakataon, paano ginamit iyong kapangyarihan na binigay sa kaniya? Alam nating lahat, Ka Ely, na siya din iyong halimbawa na hindi talaga nag-abuso sa kapangyarihan na binigay,” ani Robredo, kausap ang co-host na si Ely Saludar.
“Parating tinatawaran, lalo na ng mga supporters ng dating diktador, iyong kakayahan niya. Wala namang presidenteng perpekto. Pero siguro kung may isang puwedeng maipagmalaki na hindi nang-abuso, hindi naging kurakot, siya ‘yon,” dagdag ni Robredo.
Nito lamang Agosto 1, ginunita ang ika-10 anibersaryo ng kamatayan ni dating Presidente Cory Aquino.