Robredo, umapela ng mataas na testing at vaccine supply para sa mga areas of concern

Nanawagan si Vice President Leni Robredo sa pamahalaan na tulungan ang mga probinsyang nakararanas ng pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Ayon kay Robredo, bagama’t nananatiling area of concern ang Metro Manila, dapat ding madaliin ng gobyerno ang COVID-19 testing at pataasin ang suplay ng bakuna sa mga lugar na tinukoy ng Department of Health na may “high or moderate risk” ng COVID-19 infections.

“Yung Metro Manila, area of concern pa siya kasi di ba yung mobility dito yung pinakamatindi… pero pababa yung kaso, yung positivity rate lang yung medyo mataas,” ani Robredo sa Biserbisyong Leni sa RMN Manila.


“Yung matataas na positivity rate, yun yung bina-bat natin lagi na dagdagan yung testing. Parang sirang plaka tayo na, ang tagal na ‘dagdagan yung testing’. Pero yung request natin, hindi na lang dito sa Metro Manila. Pero yung areas of concern sa all over the Philippines sana masuportahan sila ng testing, ng vaccines,” dagdag niya.

Dagdag pa ni Robredo, dapat maabot ng bansa ang 5% positivity rate o ang bilang ng mga indibidwal na natutukoy na positibo sa virus mula sa mga sumailalim sa COVID-19 testing.

Sa ulat naman ng Department of Health noong Sabado, 11.5% ng 50,104 indibidwal na sumalang sa testing noong Huwebes ang napag-alamang nagdadala ng virus na pinakamababa na simula May 30.

Samantala, tiniyak ng pangalawang pangulo na handa silang tumulong sa mga probinsya alinsundo sa protocols ng lokal na pamahalaan at ng Inter-Agency Task Force.

Facebook Comments