Thursday, January 15, 2026

Rockfall event ng Bulkang Mayon, nasa mahigit 200 pa rin sa nagpapatuloy na aktibidad nito

Nananatili pa ring nasa mahigit 200 rockfall events ang naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa nagpapatuloy na aktibidad ng Bulkang Mayon sa loob ng 24 oras.

Kung saan umabot sa 207 pagguho ng bato sa bulkan batay sa datos sa monitoring ng PHIVOLCS simula alas-12 ng hatinggabi ng January 14 hanggang 12 a.m. ngayong araw, January 15.

Samantala, patuloy pa rin ang pagbuga ng lava dome at lava flow pati na rin ang pyroclastic density current o uson kung saan bumaba sa 27 ang nai-record ng ahensya.

Bumaba rin ang ibinugang sulfur dioxide o asupre ng bulkan kung saan nasa 987 na tonelada ang naitala ng PHIVOLCS.

Sa kabila nito, nananatili pa ring nakataas sa Alert Level 3 ang Mayon Volcano.

Bawal pa rin ang pagpasok sa 6-kilometer radius permanent danger zone, pagpasok ng walang pag-iingat sa extended danger zone, at pagpapalipad sa ibabaw ng bulkan tulad ng mga sasakyang panghimpapawid.

Facebook Comments