Inanunsyo ng Land Transportation Office (LTO) ang pagsisimula ng sampung taong bisa ng lisensya sa pagmamaneho sa buong bansa.
Sa abisong inilabas ng LTO simula bukas ay magsisimula na ang roll-out ng 10 year driver’s license validity sa LTO’s Central Office-Licensing Section sa Quezon City Licensing Center.
Pero sa susunod na linggo, ay tatanggap na ng mga magpapa-renew para dito sa buong National Capital Region (NCR) habang matapos pa ang ilang araw ay bubuksan na rin ang lahat ng regional offices ng LTO sa buong bansa.
Pero paglilinaw ng LTO, ang mapagkakalooban lamang ng 10 year validity ng lisensya sa pagmamaneho ay ang mga nagmamaneho na walang anumang violations.
Kabilang sa panuntunan na ipatutupad ay dapat makapasa sa CDE o Comprehensive Drivers Education ang isang aplikante o magpapa-renew.
Sa mga magpapa-renew na mayroong traffic violations ay mapagkakalooban lamang ng driver’s license na may limang taong bisa.
Matatandaang sa unang taon ng Duterte administration ay ginawang 3-5 years ang bisa ng driver’s license pero ngayon ay ginawa nang sampung taon.
Mula ito sa dating kada-taon ay kailangang magtiis sa pila para magpa-renew kada kaarawan ng isang holder ng lisensya sa pagmamaneho.