Umaalma si Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas na dapat mas malaki pa ang oil price rollback sa mga produktong petrolyo.
Giit ni Brosas, hindi sapat ang ibinawas na P5.70 sa kada litro ng gasolina, P6.10 sa kada litro ng diesel at P6.30 sa kada litro ng kerosene.
Hirit ng Gabriela solon, dapat na ang ibinawas sa presyo ng diesel ay P50 kada litro habang P63 na bawas naman sa kada litro ng presyo ng gasolina dahil ito aniya ang antas ng presyo ng langis sa pagsisimula ng taon.
Naniniwala ang kongresista na ginagamit na lamang na palusot sa sunod-sunod na taas-presyo ng langis mula noong Enero ang Russia-Ukraine war.
Binigyang diin ni Brosas na makatwiran lamang ang malaking rollback dahil nakakakuha ng napakalaking tubo ang mga kompanya ng langis mula sa serye ng oil price hikes.
Inihalimbawa ng mambabatas ang Shell na mahigit triple ang inilobo sa net income sa unang quarter ng taon na umabot ng PP3.53 billion mula sa P1.02 billion.