Pinangunahan ni Marikina City Mayor Marcy Teodoro ang unang araw ng rollout ng cash aid sa mga pamilyang lubhang apektado ng muling pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa National Capital Region (NCR).
Ang unang barangay ng lungsod na nabigyan ng emergency subsidy mula sa national government ay ang Barangay Kalumpang kung saan ay mayroon itong 2,167 pamilya na benepisyaryo.
Ginagawa ang pamamahagi sa Kalumpang Elementary School na dinaluhan ni Secretary Rolando Bautista ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Martin Diño, at si DSWD-NCR Regional Director Vicente Gregorio.
Ayon kay Teodoro, ipo-post sa kanilang official Facebook page ang mga pangalan ng tatanggap ng nasabing ayuda at ang susunod na barangay at venue sa pamamahagi ng cash aid.
Batay sa regulasyon, ang nasabing cash assistance ay nakabase sa bilang ng miyembro ng pamilya, P1,000 kada isang miyembro ngunit hindi lalagpas sa P4,000 kada pamilya.
Payo ng alkalde sa mga kukuha ng ayuda, magdala ng valid ID na may lagda at i-photocopy ito at lagyan ng tatlong lagda ang bawat kopya.
Para aniya sa mga katanungan, makipag-ugnayan sa ECQ financial assistance hotline sa mga numerong 0945 -692 -94-72, 0928-900-23-22, at 0907-026-19-62.