
Sinibak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. si Romeo D. Lumagui Jr. bilang Commissioner ng Bureau of Internal Revenue (BIR).
Kasabay nito, itinalaga naman ng Pangulo si Finance Usec. Charlito Martin Rada Mendoza bilang kanyang kapalit.
Batay sa dokumentong inilabas ng Malacañang noong Nobyembre 12, 2025, si Mendoza ay pormal na hinirang bilang BIR Commissioner sa ilalim ng Department of Finance (DOF), alinsunod sa umiiral na mga batas.
Sa appointment letter na pirmado ni Pangulong Marcos, inatasan si Mendoza na agad gampanan ang kanyang tungkulin at magsumite ng kopya ng kanyang Oath of Office sa Office of the President at Civil Service Commission (CSC).
Sa ngayon, wala pang inilalabas na pahayag ang Palasyo hinggil sa dahilan ng pagkakatanggal ni Lumagui bilang Commissioner ng BIR.









